Dennis binati ni Julia sa birthday

NAG-UUMAPAW ang saya ng komedyanteng si Dennis Padilla dahil binati siya ng anak na si Julia Barretto noong nakaraaang birthday niya.

Sa isang panayam, kinumpirma ni Dennis na tinawagan siya ni Julia, isa sa mga anak niya kay Marjorie Barretto, para i-greet sa kanyang ika-52 kaarawan noong February 9.

“Naluha ako doon. That was sweet and para bang tagos sa puso ‘yung mararamdaman. That’s why I was so happy,” aniya.

Umaasa rin si Dennis na sa susunod ay personal na silang magkikita ni Julia at mga kapatid nitong sina Claudia at Leon.

“I hope makapag-dinner or lunch kami soon. Hindi lang si Julia, gusto ko ring makita si Claudia at Leon kasi mga two years ko na silang ‘di nakikita. I think more. Yes sa March 10, 27 na siya (Julia),” sambit pa ni Dennis.

Kamakailan lang ay kinalampag sa social media ni Dennis si Julia dahil sobra na umano niyang nami-miss ito. “Dear Juy… Hindi ko matandaan kailan tayo huling nagkita… Hindi ko din matandaan kailan tayo huling nag usap…sana anak…. 😢♥️,” pagmamakaawa niya sa aktres.