Coed sugatan sa agawan ng baril sa campus

NASUGATAN ang babaeng estudyante nang makipambuno ito sa isa pang babaeng mag-aaral na may hawak na baril sa isang unibersidad sa Laoag City, Ilocos Norte.

Naganap ang insidente sa women’s restroom ng paaralan nitong Lunes ng umaga.

Bago ito, nagtalo ang magkaibigang suspek at biktima kaugnay sa nawawalang pera sa ATM ng isa sa kanila.

Sa gitna ng away ay naglabas ng baril ang suspek. Tinangkang agawin ng biktima ang baril kaya nagkaroon ng pambuno hanggang sa makalabit ang gatilyo at pumutok.

Sa kabutihang-palad ay walang tinamaan ng bala pero nasugatan ang biktima sa pakikipag-agawan niya ng baril.

Dinala sa pagamutan ang biktima habang idiniretso sa presinto ang suspek.

Nahaharap sa reklamong illegal possession of firearms ang suspek.

Samantala, iniimbestigahan na ng pulisya kung paano naipuslit ng suspek ang baril sa loob ng paaralan.