Birthday ni Vice ise-celebrate sa unang araw ng ‘It’s Showtime’ sa GMA-7

UNKABOGABLE ang unang araw ng pag-eere ng “It’s Showtime” sa GMA Network sa April 6 dahil isasabay rito ang birthday celebration ni Vice Ganda.


Umaasa si Vice na dadagsain ng mga artista mula sa ABS-CBN at GMA ang double celebration sa noontime show.


“It’s gonna be a double celebration. Kasi yung April 6 naka-schedule for my birthday episode bago pa nagkaroon itong turn of events na pumirma sa GMA nabuo na namin yung birthday episode,” ani Vice sa isang panayam.


“So, tamang-tama madadagdagan doon sa unang birthday episode. Hopefully, madami kaming makuha na mga stars ng GMA sa araw na ‘yun para maramdaman talaga natin ‘yung sanib-pwersa and collaboration just like what we did sa GTV,” dagdag niya.


Ayon pa kay Vice, matutupad sa April 6 ang kanyang birthday wish.


“Itong oportunidad na makasampa sa GMA, makapag-reach ng mas malaking audience, malaking blessing to sa ‘It’s Showtime’ and napakahalaga sa akin ng pamilyang ‘to. Ito na pinakamalalang gift,” paliwanag niya.


Ipagdiriwang ni Vice ang kanyang ika-48 kaarawan sa March 31.