Bata binugbog, ikinulong sa kural ng baboy

MATINDING trauma ang inabot ng 11-anyos na batang babae na dahil lamang hindi agad nakasunod sa utos ay sinaktan at ikinulong sa kural ng mga baboy ng kanyang ina, stepfather at mga tiyuhin sa Talisay City, Negros Occidental.


Ayon sa ulat, nakatakas ang biktima at humingi ng tulong sa mga kapitbahay bago siya dinala sa himpilan ng pulisya.


Isinumbong ng bata sa mga pulis na sinimulan siyang saktan ng ina at mga tiyuhin noong siya ay anim na taong gulang.


Aniya, madalas siyang makaranas ng tadyak, sampal at suntok mula sa mga kapamilya.


Agad namang dinakip ang mga suspek habang ipinagamot ang bata sa ospital.


Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development Office ang biktima.


Ani Dionila Madrona, hepe ng nasabing ahensya, dinalaw ni Mayor Neil Lizares ang bata na nangako na susuportahan ito sa gamot at pag-aaral.


Dagdag ni Madrona, mahaba-haba ang magiging gamutan sa paslit dahil hindi pa gumagaling ang mga sugat nito sa binti.


Hindi pa maite-turnover ang bata sa mga kamag-anak dahil traumatized pa rin ito, wika pa ng opisyal.