3 bagets nag-budots sa imbakan ng kalansay

UMUUSOK sa galit ang publiko sa tatlong kalalakihan na nilapastangan ang labi ng mga namayapa sa Digos City Public Cemetery sa Digos City, Davao del Sur kamakailan.

Sa viral video na in-upload ng isa sa mga lalaki, makikita ang mga ito na nag-“emergency budots” habang hawak ang mga bungo at kalansay na nakaimbak sa nasabing sementeryo.

Ang isa naman nilang kasama ay tila nagsasagawa ng ritwal habang nilalaro ang mga buto.

Nang ma-bash nang husto ay binura ang video na in-upload sa Facebook.

Bumuhos ang reklamo mula sa mga nakapanood ng video kaya pinagdadampot sila ng mga opisyal ng barangay bago dinala sa himpilan ng pulisya saka iniharap kay Mayor Josef Cagas.

Nakatikim muna ng mahabang sermon ang tatlo, isang 20-anyos at dalawang 14-anyos, mula sa alkalde bago sila pinauwi.

Pinagsabihan din ni Cagas ang mga magulang ng mga ito.

Ayon sa tatlo, gusto lamang umano nilang mag-trending sa social media kaya napagtripan nila ang kalansay at bungo.

Anila, kukuha lang sana sila ng buko sa lugar nang makita nila ang imbakan ng mga labi ng mga patay.