2 magkasunod na sunog sa Rizal; 5 nasawi

LIMA ang nasawi matapos sumiklab ang dalawang magkasunod na sunog sa bayan ng Taytay sa Rizal nitong Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.

Ayon sa ulat ng Regional Police 4A, naiulat ang unang sunog alas-9:47 ng gabi nitong Sabado sa barangay San Juan, na naapula naman matapos ang isang oras.

Lima ang sinasabing nasawi sa nasabing sunog, ngunit walang ibang detalyeng ibinigay ang mga awtoridad.

Aabot sa 40 kabahayan ang natupok dahilan para mawalan ng matitirahan ang may 60 pamilya.

Alas 12:55 naman ng madaling araw nang maiulat ang ikalawang sunog sa barangay Dolores. Naapula ito alas-3 pasado ng madaling araw. Sinasabing 90 pamilya ang apektado sa ikalawang sunog.