Willie Revillame nag-sori kay Cristy Fermin: I’m really sorry, nasaktan kita

AT sa paghingi ng tawad nauwi ang palitan ng masasakit na salita sa pagitan ng Wowowin host na si Willie Revillame at entertainment columnist na si Cristy Fermin.

Umamin si Revillame na siya ang nagkamali siya nang patulan niya ang ipinain umanong pahayag ni Cristy at nagsalita ng mga masasakit na pahayag laban sa kolumnista.

Pero sa February 8 episode ng programa ni Willie, dito na siya nagpahayag ng kanyang malalim na paghingi ng tawad kay Cristy na itinuring anya niyang kanyang “nanay-nanayan”.

“Napain lang ako eh, may nagsabi sa akin na ‘Akala ko ba nanay mo ‘yang si Cristy Fermin, bakit sinabi na ang yabang-yabang mo daw’. So parang naano na ako dahil ganoon na ‘yung mga dumadating,” paliwanag ni Revillame.

Anya, iyan umano ang dahilan kung bakit ayaw niyang nanonood at nagbabasa ng mga comment sa Facebook at YouTube dahil sa napapainit ang ulo niya sa mga negatibong komento.

“Kaya ako ayokong magbabasa ng Facebook at YouTube na negative, siyempre nasaktan ako doon dahil parang nanay ko ho ‘yan si Nanay Cristy at ‘yun nga may nasabi akong hindi maganda sa kanya dito kagabi na nasaktan ko ang pamilya niya, siya.

“Ang pagkakamali ko ho ay hindi ko kasi napanood ‘yung Cristy Ferminute dahil ayoko nang manood. Ang pagkakamali ko doon ay nagdesisyon ako na magsalita, ako ho ‘yung nagkamali dito,” dagdag pa ni Willie.

Ayon sa TV host na nagusap sila ng kolumnista, at doon ay nagmurahan at nagsigawan sila.

At humingi na rin anya siya ng tawad kay Crsity at sa kanyang mga anak.
“Nagsigawan kami, nagmurahan kami parang mag-ina na nagtatampuhan, hanggang humingi ako ng tawad sa kanya at sa mga anak niya dahil nasaktan sila,” pahayag pa ni Willie.

“Kung anuman ‘yung nasabi ko, hindi naman po ‘yun pagsusumbat. Galing po sa puso ‘yung pagbibigay nun kaya lang siyempre dumadating ‘yung point na nasasaktan ka. Tao ka lang.

“Tita Cristy, para mo na akong anak para na kitang nanay, humihingi ako ng tawad sa ’yo. Hindi ako nagbabasa ng kahit ano, nag-iisip lang ako,” anya pa.

“Tita Cristy at sa mga anak mo, galing sa puso ko, I’m really sorry nasaktan kita. Alam ko pinaglaban mo ko,” pagtatapos ni Willie.