Vhong tumangging mag-plea sa rape case

TUMANGGING magpasok ng plea ang actor-host na si Vhong Navarro nang basahan ng sakdal sa kasong rape na inihain ni Deniece Cornejo sa korte ng Taguig nitong hapon ng Martes.

Dumalo sa arraignment si Vhong sa pamamagitan ng video conference habang personal na humarap sa Taguig Regional Trial Court Branch 69 ang abogado niyang si Atty. Alma Mallonga at maging si Cornejo at abogado nitong si Atty. Howard Calleja.

Hindi nagpasok ng plea si Vhong dahil na rin sa payo ni Mallonga. Ayon sa abogado, mayroon pa silang naka-pending na petition for review sa Supreme Court.

Bunsod nito, ang korte ang nagpasok ng “not guilty” plea para sa host ng “It’s Showtime.”

Nakadetine si Vhong sa National Bureau of Investigation detention facility makaraang sumuko nang maglabas ng warrant of arrest ang mga korte laban sa kanya.