Vhong Navarro hindi muna babalik sa It’s Showtime

IBINUNYAG ni talent manager/vlogger Ogie Diaz na hindi muna babalik si TV host Vhong Navarro sa noon time show na It’s Showtime matapos makapag-bail sa rape case.

“Kasi nga nakausap ko si Vhong Navarro, “Hindi pa muna siya babalik sa ‘It’s Showtime.’ Pero babalik din siya,” sey ni Ogie sa kanyang vlog.

Focus muna umano si Vhong sa mga anak at asawa niya ngayong nakapagpiyansa siya.

“Pero sa ngayon, ini-enjoy niya nga muna ‘yung kanyang mag-iina. Katulad ‘yung mga anak niya na medyo dinapuan din ng anxiety, ng depression mula nung ang kanilang ama ay nakulong kaya ngayon ay ini-enjoy nang bonggang-bongga ni Vhong ‘yung kanyang mag-iina lalo na ‘yung kanilang mga kids.”

“Siyempre gusto ni Vhong, itong Pasko at Bagong Taon ay magkakasama sila na walang ibang iniintindi na trabaho kundi ‘yung kanyang mga anak lang,” dagdag pa niya.