Tumawag ng magnanakaw kay Melai isinuplong sa NBI

NAGSAMPA na ng reklamo sa National Bureau of Investigation ang TV host-comedienne na si Melai Cantiveros laban sa netizen na tinawag siyang magnanakaw at ipinagdasal na mamatay ang kanyang mga anak.

Sa Instagram, ipinost ni Melai ang photo ng kanyang reklamo na isinumite sa NBI.
Hindi naman binanggit ng TV host-comedienne kung ano-ano ang mga isinampa niyang reklamo laban sa basher.

Bago ito ay umapela si Melai sa kanyang mga fans na hanapin ang netizen para aniya ay masampahan ng mga kaukulang kaso.

“Nananawagan po ako kung nasaan ang taong itu nang masampahan ng nararapat legal na aksyun,” ani Melai sa Facebook post.

“Paki PM po ako Maraming Salamat Matigil na ang mga pang haharass na tu,” dagdag niya.
Banta niya sa basher: “At para sayu na nasa picture na yan PAPAHANAP KITA KAHIT SAAN KA MAN TANDAAN MO YAN. Nananawagan dn ako sa mga Lawyers for Leni,” ayon pa sa Kapamilya artist.

Kalakip ng post ni Melai, ang screenshots ng komento ng netizen na nakilalang si Sugar Miquelon.