Pokwang sa pakikipaghiwalay sa American BF: Sanay ako mag-isa

KINUMPIRMA ni Ogie Diaz nitong Biyernes na hiwalay na si Pokwang at ang long-time live-iin partner na si Lee O’Brien, isang American.

Sa kanyang Showbiz Update vlog sa YouTube, inamin ni Ogie na matagal na niyang alam na hiwalay ang dalawa.

“Noon ko pa ‘to alam [pero] bilang paggalang kay Mareng Pokie na makakaasa siya na hindi natin ito babanggitin,” paliwanag ni Ogie.

“Since lumabas na ‘yan, e kasi kailangan din naman nating linawin ang ganyang issue bago pa magsanga-sanga,” dagdag ng show biz writer-vlogger-talent.

Ayon kay Ogie, noong isang taon pa wala sina Pokwang at Lee.

“Iyan po ang totoo, last November 20, 2021 pa wala na, hiwalay na si Pokwang at Lee O’ Brien,” pagdidiin niya.

“Kaya si Papang Lee ay nagsosolo ng tirahan at siya’y may hanapbuhay yata. At nakatakdang umuwi si Papang sa US,” dagdag ni Ogie.

Inilarawan naman niya na masalimuot ang dahilan ng hiwalayang Pokwang at Lee.

“Pero ang sinabi lang ni Pokwang ay ‘Ang importante hindi kami magkagalit nang maghiwalay ni Papang’,” dagdag ni Ogie.

Nanatili naman sa poder ni Pokwang ang anak nila ni Lee na si Malia, pero nakakasama ng ama ang bata kapag nasa trabaho ang komedyana.

Napag-alaman din na tanggap ni Pokwang ang pangyayari.

“Okay lang…sanay naman ako na nag-iisa,” ani Pokwang kay Ogie.