Pepsi Paloma issue gawa-gawa lang – 80’s actress

NILINIS ni Coca Nicolas, isang sexy star noong 1980s, sina Vic Sotto at Joey de Leon sa isyu na kinasasangkutan ng isa pang “Softdrink Beauty” na si Pepsi Paloma.

Sa panayam ni Julius Babao, iginiit ni Coca na gimik lang ni Rey dela Cruz, manager nila ni Pepsi, ang akusasyon ng panggagahasa laban kina Vic, Joey at kaibigan nilang komedyante na si Richie D’Horsie.

Ani Coca, tinanong niya ang kaibigang si Pepsi kung totoong pinagsamantalahan siya ng tatlo.

“Hindi a! Alam mo naman si Tito Rey… parang hindi ka naman naano diyan kay Tito. Lahat gagawin niyan para lang sumikat tayo,” sabi umano ni Pepsi sa kanya. ‘Yun po talaga. Ako mismo, ako ang magpu-prove niyan na hindi totoo po ‘yon. Siya mismo kasi ang nagsabi sa akin na hindi totoo,” paglalahad pa ni Coca.

Matatandaan na nagimbal ang publiko nang ireklamo ng panggagahasa sina Vic, Joey at Richie nina Pepsi at dela Cruz noong 1982.

Ani Pepsi, drinoga siya at isa pang dating aktres na si Guada Guarin ng tatlo saka dinala sa isang hotel sa Quezon City para halayin. Kinalaunan ay iniurong ni Pepsi ang kaso laban sa tatlo.

Nagkitil si Pepsi noong Mayo 31, 1985. Siya ay 18. Binaril at napatay si dela Cruz, na naging barangay chairman ng Quiapo, Maynila, noong 1999. Sumakabilang-buhay naman si Richie sa sari-saring sakit noong 2015.