Pamangkin ni Vice Ganda pumalag; Hindi si tito bumubuhay sa amin

NIRESBAKAN ng pamangkin ni Vice Ganda ang netizen na nagsabing ang TV host-comedian ang “source of income” ng kanilang pamilya.

Sa TikTok video, klinaro ni Camille Viceral na hindi sila umaasa sa bigay ni Vice dahil mayroong trabaho at negosyo ang lahat ng mga kamag-anak ng kanyang tiyahin.

“Nakakabastos po. Lumaki po kami sa hirap at alam po namin na ang pag-unlad ng isa ay hindi pag-unlad ng lahat.

“Dahil kung ‘yun po nag iisipin namin, hihilahin po namin ‘yung tao pababa.

“May kanya-kanya po kaming pag-iisip, personalidad, pinagkakakitaan, at responsibilidad sa loob at labas ng bahay.

“Kung ano po ‘yung binibigay sa amin (ni Tito Vice), ‘yun lang po ‘yung aangkinin namin. Hindi na rin po kami naghahangad ng sobra-sobra pa doon.

“Ayun lang. ‘Wag po tayong naga-assume at wag po tayong bastos,” ani Camille.

Kamakailan ay binigyan ng brand-new house and lot ni Vice ang kanyang ina. Sa nasabing bahay tumutuloy si Camille.