Lolit masama loob kay Ryzza Mae: ‘Never siyang nakaaalala’

NAGHIHINANAKIT si Lolit Solis sa Eat Bulaga host na si Ryzza Mae Dizon dahil hindi man lang umano ito makaalala kahit isang taon na tumira nang libre sa kanyang condo unit.

Sa Instagram, naglabas ng hinampo ang veteran show biz writer-talent manager kay Ryzza Mae dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagpapasalamat sa kanya sa pagtira nito sa kanyang bahay.

“Ayoko sana IG ito pero hindi ko lang matiis malaman kung ano magiging sagot. Alam mo ba na tumira ng halos 1 year na libre sa condo unit ko si Ryzza Mae ng Eat Bulaga dahil kay Malou Fagar? Pero never nakaalala bumati ng birthday o Christmas. Never man lang nag thank you, kaloka ha,” ani Lolit.

Kahit ngayong may sakit siya, dedma pa rin umano si Ryzza Mae.

“Never man lang nagparamdam na kumustahin ako, bongga. Para bang utang na loob ko pa na tumira siya ng libre sa condo unit ko ha,” dagdag ni Lolit.

Klinaro naman niya na hindi niya sinusumbatan ang batang TV personality.

“Naisip ko lang bigla kasi napanuod ko siya. Meron pala ganuon tao hindi naalala mga bagay na nagawa mo sa kanila, basta ganuon lang, parang hangin dumaan. Ok lang, wala naman problema, malay mo one day ako naman makitira sa bahay ni Ryzza Mae,” paliwanag ni Lolit.