Ka Tunying sa cancer-free na anak: Hindi kami pinabayaan ng Diyos

MASAYANG ibinahagi ng brodkaster na si Anthony “Ka Tunying” Taberna sa publiko ang paggaling ng kanyang anak mula sa cancer.

Sa isang photo, ibinahagi ni Taberna ang larawan niya at ng kanyang pamilya na galing mula sa isang kapilya. Kasama niya rito ang misis at ang dalawa nilang anak, kasama si Zoey, ang anak na anya ay nag-agaw buhay pa sa Singapore habang ginagamot.

“Si Zoey ang humiling – bago kami umuwi sa bahay pagdating dito sa Pilipinas, dumaan muna kami sa kapilya upang doon ay magpasalamat at magpuri sa Panginoong Diyos,” post ni Taberna.

“Kailanman, lalo na sa yugto na halos ay mawawalan na kami ng pag-asa – hindi Niya kami pinabayaan,” ayon pa sa brodkaster.

Kwento pa ni Taberna, bago pa tuluyang ideklara na cancer-free na ang anak, ay nag-agaw-buhay ito habang nilalapatan ng lunas sa Singapore.

Anim na buwan na namalagi sa Singapore si Taberna at ang buong pamilya para alalayan at suportahan ang anak na sumailalim sa bone marrow transplant.