John Arcilla gustong magkaanak: ‘Hindi naman ako baog’

UMAASA si John Arcilla na makakabuo pa rin siya ng pamilya at magkaroon ng mga anak sa kabila ng kanyang edad.

Sa panayam ni Ogie Diaz, ikinuwento ng award-winning actor na mayroon siyang ilang relasyon kung saan muntik na siyang bumuo ng pamilya.

“Nagkaroon ako ng dalawang seryosong relationship na almost nagkaroon ng family pero hindi natuloy. Hindi ako pinalad na [magka-baby] pero almost nando’n na,” aniya. “Siguro may ibang plano sa akin ang Diyos.”

“Pero pangarap mo ‘yan, na magkaroon ka ng sarili mong pamilya?” tanong ni Ogie.

“Oo naman, tsaka kayang-kaya pa naman,” sagot ni John.

Bagamat umaasa si John na magkapamilya, inamin niya na mahihirapan siyang makamit ito dahil sa kanyang edad at career.

“Kaya lang, sa dami ng responsibilidad mo ngayon, parang natatakot ka na. Tsaka sa age bracket ko, parang nagdadalawang isip na rin ako, although gusto ko pa rin,” aniya. “Walang problema. Hindi naman ako baog e.”