Jake Zyrus ‘ibinasura’ na ni David Foster?

KUNG paniniwalaan ang veteran show biz columnist at host na si Cristy Fermin, inayawan na ng popular na music producer na si David Foster si Jake Zyrus.

“Eto na nga. Nag-try pala na lumapit ulit kay David. Tinanggihan siya. Kasi nagkaroon pala ng argumento noon si Charice at ang mga namamahala ng kanyang karera sa Amerika. Na siguro ipinagtapat niya na talagang iba, may gusto ako na parang ayaw ng iba,” kuwento ni Cristy.

“Parang ganun. Siguro siya ay pinayuhan na ‘No, stick to what you are.’ Ikaw man ay merong ibang nararamdaman at ikaw ay isang tibo, itago mo. Ang dami-daming tibo na singer sa buong mundo na nagtagumpay,” dagdag ni Cristy.

“Nadiskubre” ng Canadian musician si Jake nang tawagan siya ng TV talk show host na si Oprah Winfrey noong 2008 at tanungin kung maaari niyang i-produce ng kanta ang Pinoy singer.

Naging mentor ni Jake si David na isinama siya sa tribute concert nito na “Hitman: David Foster and Friends.” 

Kabilang sa nag-perform sa concert sina Celine Dion, Josh Groban, Brian McKnight at Michael Buble.

Matatandaan na si Cristy rin ang nagsabi na naglasing at nagwala si Jake sa US dahil hindi nito matanggap na wala na itong career.