Iza ready nang maging mommy pero…

HANDANG-HANDA na si Iza Calzado na maging isang ina bagaman natatakot siya sa malaking responsibilidad ng pagiging ina.

Ayon kay Iza, kahit takot siya sa responsibilidad ay naniniwala siya na patatatagin siya ng kanyang paniniwala sa Panginoon.

“What a huge responsibility and I’ve always been scared of it. Natatakot ako roon sa responsibilidad. Pero feeling ko kailangan talaga maniwala ka sa sarili mo na kaya mo. Kasi ie-equip ka naman ni God, ikaw at ‘yung nasa paligid mo. So ‘yun na lang talaga ang pinanghawakan ko,” aniya.

Malaki rin ang pasalamat niya na walang malaking pagbabago siyang nararanasan sa kanyang pagbubuntis.

“Thankfully wala masyadong physical adjustment. ‘Yung energy ko is almost the same, I managed to workout every week, every month. Pero kapag napapagod ako ngayon sasabihin ko, teka, walang masamang magpahinga,” paliwanag niya.

Inaasahang isisilang ni Iza ang anak nila ng businessman na si Ben Wintle sa mga unang buwan ng 2023.