Hipon may P100K graduation gift mula sa manager

DAHIL natapos niya ang pag-aaral kahit abala sa ibang mga bagay, binigyan si Herlene Nicole “Hipon” Budol ng P100,000 cash ng kanyang manager.

Sa kanyang vlog, sinabi ni Wilbert Tolentino na deserved ni Hipon ang P100,000 na graduation gift dahil pursigido ito na matupad ang mga goals sa buhay.

Sa umpisa ng video ay makikita si Tolentino na binigyan ng mga bulaklak at garlands ang alaga.

Habang umaakyat sa stage si Hipon ay naging emosyonal si Tolentino

“Naiiyak ako. Naiyak ako kasi hindi ako naka-graduate, pero si Herlene naka-graduate. Doon ako naiiyak e,” sabi niya.

Proud sa milestone ni Hipon, inihayag ni Tolentino na bibigyan niya ito ng bonggang graduation gift.

“Ito pa ang good news ko sa inyo. Mula nung nakita ko si Herlene na nagpupursigi sa lahat ng mga goal niya, meron akong ibibigay sa kanya na Php 100,000. Reward ko ‘to kay Herlene,” aniya.

“Sa mga nanonood, mga ka-freshness, share ko lang sa inyo. Kahit nasa showbiz siya, kahit naka-focus siya sa beauty pageant niya sa Binibining Pilipinas, tinapos pa rin niya ang pag-aaral niya. Multitask siya,” dagdag ni Tolentino.