Cristy pinayuhan si Tekla: Itigil na mga bisyo

PINAYUHAN ng Cristy Fermin ang komedyanteng si Super Tekla na talikuran na ang mga bisyo na dati na nitong inihinto.

Sa online talkshow na Showbiz Now Na ni Cristy ay naisiwalat na muli na naman umanong “gumagamit,” umiinom ng alak at nagka-casino ang komedyante.

Ani Cristy, kung hindi titigilan ni Tekla ang mga bisyo ay mawawala rito ang mga oportunidad na tinatamasa nito.

“Palagay ko nadadaig siya ng kapritso niyang pansarili. Kasi kung meron, hindi niya gagawin ‘yan,” paliwanag ng veteran show biz columnist at host.

“Basta ito lamang ang maipapayo namin sa iyo kung totoo man ‘yung mga kwento na bumalik ka na naman sa dati. Talikuran mo na ‘yan. Kung alam mo lang, milyon-milyong Pilipinong kababayan natin ang gustong pumalit sa posisyon na hawak mo ngayon,” dagdag ni Cristy.

Sinegundahan naman ng co-host ni Cristy na si Morly Aquino ang sinabi niya.

“Sa totoo lang, nalulungkot ako para kay Tekla. Imagine, hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng kung anuman ang meron siya ngayon. Dati nagda-droga siya, sabihin na nating droga, idagdag pa natin ‘yung alak. Tapos nagka-casino pa siya nang bonggang-bongga, inuubos pa niya ang pera. Ang tanong ko nga, Ate Cristy, wala ba siyang pagpapahalaga sa kanyang pamilya?” sey ni Morly.