Cristy kay Dennis: Itigil na pagpapapansin kay Julia

PINAYUHAN ng veteran showbiz columnist at host na si Cristy Fermin si Dennis Padilla na tumigil na sa pagpapapansin sa mga anak nito kay Marjorie Barretto dahil para sa kanya ay nagawa na ng komedyante ang “para sa kanya.”

“Nauunawaan ko ang emosyon, nararamdaman ni Dennis Padilla. Pero kung ako ay isang ama, na sa kabila ng aking paulit-ulit na pananawagan, kulang na lang talaga e mag-video ako ng isang panawagan sa aking mga anak nang dire-diretso para ako’y pansinin, at hindi naman siya pinapansin, di ba kung minsan meron nang nagpipigil sa atin na, ‘Nagawa ko na ang para sa akin’,” ani Cristy.

“Kung sakali nga na ganyang paulit-ulit na hindi siya pinapansin, manahimik na muna siguro si Dennis Padilla,” dagdag niya.

Sa kabilang banda, hindi naman sinisi ni Cristy si Julia at mga kapatid na sina Claudia at Leon sa pananahimik sa kabila ng mga pagsusumamo ng kanilang ama.

“Ano pa bang maaasahan natin kay Julia? E di para hindi rin siya ma-stress, hindi na lang muna siya sumasagot. Kahit sino sa kanilang mag-iina, di ba?” punto ng kolumnista.

Reaksyon ito ni Cristy sa pagmamakaawa kamakailan ni Dennis kay Julia na kausapin na siya nito.

“Dear Juy… Hindi ko matandaan kailan tayo huling nagkita… Hindi ko din matandaan kailan tayo huling nag usap…sana anak…. 😢♥️,” sambit ni Dennis sa kanyang Instagram account.