Pageant fans nagluluksa sa pagpatay sa Mister Grand Iloilo, 2 iba pa

NAGDADALAMHATI ang mga fans ni Mister Grand Iloilo 2018 JP Bosque na napatay kasama ang dalawang iba pa sa pananambang sa Estancia, Iloilo ngayong araw.

Maliban kay Bosque, nasawi rin sa ambush sina Mark Libao at Floyd Fernandez, pawang taga-Iloilo City.

Hindi naman nasugatan ang kasama nilang si Jebron Parojinog ng Estancia.

Ayon kay Parojinog, minamaneho niya ang kanyang Isuzu Mux madaling araw ng Miyerkules nang harangin at pagbabarilin sila ng mga suspek sa Brgy. Villa Panian.

Dead on arrival sina Bosque, Libao at Fernandez sa Jesus Colmenares District Hospital dahil sa mga tinamong sugat.

Narekober sa pinangyarihan ang mga basyo ng bala ng kalibre. 45 at 9mm pistola.

Isa sa mga tinitingnang anggulo sa pagpatay ay ang utang umano ni Bosque sa hindi pa nakikilalang tao.