Motor show o gay bar?

NAGBANTA si Tayug, Pangasinan Mayor Tyrone Agabas na mananagot ang nasa likod ng motor show sa kanyang bayan na nagmistulang gay bar.

Ani Agabas, pinaiimbestigahan na ang insidente kung saan limang mga lalaki ang sumayaw nang hubo’t hubad sa Tayug Gymnasium.

“Tinutuligsa po namin ang anumang uri ng kalaswaan at kawalang-respeto ng mga nagsagawa ng nasabing aktibidad sa bayan ng Tayug at sa moralidad ng bawat Tayugenian. Ito ay hindi katanggap-tanggap at labag sa batas,” dagdag ng alkalde.

Napag-alaman naman na ang Thai Low Production ang pasimuno ng motor show na ginanap noong Sabado.

Samantala, sinabi ng pulisya na nagsimula ang “macho dance” ng mga sangkot sa isang challenge.

Tatlo sa mga nagsayaw ay mga residente ng Tayug. Dalawa sa mga ito ay umamin na lasing sila kaya hindi nila namalayan na naghubad na sila.

Humingi na ng paumanhin ang mga ito sa nagawa.

Napag-alaman naman na marami ang nagtangkang patigilin ang mga nagsasayaw pero hindi umano nagpaawat ang mga ito.