Ginang sawi, mag-aama naospital sa ‘butete’

NASAWI ang isang ginang habang naka-confine sa ospital ang asawa at anim na anak makaraan nila umanong malason sa kinain na isda sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Ayon sa ulat ng pulisya, niluto at inihanda sa agahan ng mag-asawang Romana at Reynaldo Evardo ang nahuli nilang isdang buriring o puffer fish nitong Miyerkules.

Makaraan ang ilang oras ay sabay-sabay na sumama ang pakiramdam ng mag-asawa at kanilang mga anak na may edad na mula 32 hanggang apat na taong gulang.

Namatay si Romana habang ginagamot sa Sta. Rosa Community Hospital.

Naniniwala ang mga otoridad na hindi natanggal ang nakalalasong parte ng isda bago ito niluto.