Ginang pinagbintangang mangkukulam, sinakal ng 2 pinsan

SINAKAL na ay ginilitan pa ang isang 54-anyos na ginang ng kanyang mga pinsan sa San Luis, Batangas na naniniwalang isa siyang mangkukulam.

Hindi naman napuruhan sa sakal at sugat sa leeg ang biktima kaya positibong kinilala ang mga pinsan na siyang nasa likod ng krimen.

Isa sa mga suspek, si Roderick de Chaves, ang nasakote makaraan ang insidente habang pinaghahanap pa ang kapatid nitong si Arnold.

Ayon sa biktima, naglalakad siya pauwi ng bahay nang harangin ng magkapatid.

Walang sabi-sabing sinakal siya ng isa sa mga suspek habang ang isa ay sinugatan siya sa leeg.

Nakatakas naman ang ginang sa dalawa at humingi ng tulong sa mga otoridad bago ito itinakbo sa pagamutan.

Base sa ulat ng pulisya, itinuro ng isang albularyo ang biktima na siyang kumukulam sa may sakit na ina ng mga suspek.