7-anyos na batang babae ni-rape, pinatay sa Laguna

NATAGPUANG patay ang isang 7-anyos na batang babae na hinihinalang ginahas sa San Pedro, Laguna, nitong Huwebes.

Ayon kay San Pedro City Police chief Lt. Col. Socrates Jaca, natagpuan ang biktima na nakahubad at may patong na unan ang mataas na bahagi ng kanyang katawan sa ikalawang palapag ng isang bakanteng bahay sa barangay Landayan.

Huling nakita ang bata nitong Miyerkules habang papunta sa bahay ng kanyang lola.

Dalawang lalaki na pawang mga menor-de-edad ang nasa kustodiya ngayon ng pulisya. Isa sa kanila ang umamin na responsable sa insidente habang nasa harap ng kanyang legal counsel. Tumanggi naman ang isang suspek na kasama siya sa insidente.