2 sundalong tutulong sa Abra quake victims todas sa NPA

PATAY ang dalawang sundalo na tumutulong sa mga biktima ng panibagong lindol sa Abra makaraang tambangan ng mga umano’y miyembro ng New People’s Army ngayong Huwebes.

Ayon sa ulat ng 24th Infantry Battalion ng Philippine Army, nawawala pa ang isa sa apat na sundalo na inambus ng mga rebelde sa Brgy. Gacab sa bayan ng Malibcong.

Sugatan naman ang ikaapat na sundalo.

Napag-alaman na kasama ang apat sa mga tropa ng pamahalaan na tumutulong sa disaster response operations sa Abra, ayon sa 24th IB.

Matatandaan na niyanig ng magnitude 6.4 earthquake ang Abra nitong Martes ng gabi.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, aabot sa 44 katao ang nasugatan habang 18,000 pamilya ang naapektuhan ng lindol.