Ex-congressman, presidential bet Walden Bello arestado

INARESTO ng pulisya ang dating kongresista at natalong presidential candidate na si Walden Bello Lunes ng hapon sa Quezon City.

Hinuli ang 76-anyos na si Bello ng mga tauhan ng Project 4 Police Station ng Quezon City Police sa bisa ng arrest warrant para sa kasong cyber libel alas-5 ng hapon sa kanyang bahay sa Moncado st., barangay Holy Spirit.

Ang arrest warrant laban kay Bello ay inisyu ni Judge Retrina Espe Fuentes ng Branch 10 ng Regional Trial Court ng Davao para sa dalawang bilang ng kasong paglabag sa R.A 10175 o Cyber Crime Prevention Act of 2012.  

Nagrekomenda ang korte ng P48,000 bail sa kada kasong isinampa laban sa kanya ni dating Davao City Information Officer Jefry Tupas.