14 todas sa sunog sa bar

NASAWI ang 14 katao habang mahigit 40 iba pa ang nasugatan sa sunog sa isang bar sa 
Chonburi sa southeastern Thailand nitong Biyernes.

Wala namang naiulat na Pinoy na namatay o nasugatan sa insidente sa Mountain B club, isang popular na nightspot sa lugar.

Ayon sa ulat, sumiklab ang sunog habang nagpe-perform ang isang banda ala-1 ng madaling araw. Agad itong kumalat dahil acoustic foam ang dingding ng bar.

Napag-alaman na natagpuan ang mga bangkay sa entrance ng establisimento at sa mga toilet.

Inabot naman ng dalawang oras bago napatay ang sunog.

Inaalam pa ang pinagmulan ng apoy at ang halaga ng mga napinsala.