Brgy chair na-wow mali: nangolekta ng abuloy para sa buhay

NAHAHARAP sa reklamo ang barangay chairman na nangalap ng abuloy para sa kapitbahay na ginagamot pa sa ospital sa Talugtug, Nueva Ecija.

Ayon sa mga kapamilya ni Feliciano Fausto, masama ang loob nila sa barangay chairman nila na si Nelia Garillo sa ginawa nito gayung buhay na buhay pa ang kanilang kaanak.

“Nakakagalit at masakit na masakit sa kalooban namin. Buhay pa po ang tatay namin pero inuutos na ng barangay captain namin na kumuha na ng abuloy,” ani Nely Fausto-Pangyarihan, anak ni Feliciano.

Naglabas pa ng video ang pamilya kung saan makikita ang matanda na naglalakad habang hawak ang suwero.

Samantala, humingi ng paumanhin si Garillo sa pamilya Fausto at inamin na hindi muna niya kinumpirma kung totoong sumakabilang-buhay na si Feliciano bago nanghingi ng abuloy.

Aniya, nang may nagbalita sa kanya na patay na ang matanda ay agad niyang iniutos na mangolekta ng abuloy para rito.

Sinabi ni Garillo na ibabalik na lamang ang mga nakolekta sa kanilang mga kabarangay.