Mesa, upuan ng community pantry sa Paranaque tinangay

UMAPELA ang opisyal ng Barangay San Antonio sa Paranaque na ibalik ang mesa at upuan na kasamang tinangay ng mga kumukuha ng produkto mula sa kanilang community pantry.

Sa Facebook post, sinabi ni Kagawad Mark Aragon na nagulat siya nang madiskubre kahapon na nawawala na pati ang mesa at upuan na pinaglalagyan ng mga donasyong pagkain.

“HELLOW PO HINDI PO KASAMA SA COMMUNITY PANTRY PO NATIN UNG LAMESA AT UPUAN na pinag lalagyan po natin ng mga pagkain po. PAKIBALIK PO KASI MAMAYA MAG LALAGAY AKO NG MGA FOODS ULIT NA GALING PO SAKIN AT SA MGA NAG DONATE PO,” ani Aragon.

Wala umanong bantay sa community pantry ng barangay kaya libre ang lahat na kumuha ng mga produkto roon.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin naibabalik ang mesa at upuan. –A. Mae Rodriguez