Isko di makapaniwalang kulelat na sa survey; ‘I’m happy for BBM’

BINATI ni presidential aspirant Manila Mayor Isko Moreno ang katunggaling si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos sa pangunguna nito sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Nagulat naman si Moreno sa pagbulusok niya sa ikaapat na puwesto mula sa ikatlo makaraang makakuha lamang ng apat na porsyentong voter preference rating sa nasabing survey.

Nabawasan ng apat na puntos si Moreno mula sa nakuhang walong porsyento noong Marso kaya naungusan na siya ni Sen. Manny Pacquiao na mayroong 7 porsyentong rating.

“There must be something wrong. Dalawang bagay lang ‘yan, kung totoo ‘yon o hindi. 4 percent talaga? Good luck to me,” sabi ng alkalde. “But the thing is, ako naman, basta ako naniniwala sa Diyos.”

“Pangalawa, sino ba nauna doon? Congratulations to former Senator Bongbong Marcos for winning the survey held on April 16 to 21. Masaya ako para sa kanila. Kawawa naman ‘yung iba,” dagdag pa ng alkalde.

Gayunman, sinabi niya na tuloy ang laban niya.

“Life must go on. May kasabihan sa Ingles, ’it’s not over till the fat lady sings’,” hirit pa ni Moreno.