Parak nanghalay ng paslit, timbog

ARESTADO ang pulis na umano’y ginawang sex slave ang 9-anyos na anak ng kanyang live-in partner sa Dalandanan, Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang suspek na si Cpl. Reynold Aggabao Panao, 38, ng Sub Station 6-Valenzuela City Police Station member.

Kinasuhan na ng statutory rape sa piskalya si Aggabao at sumasailalim na sa summary dismissal proceedings.

Ayon sa ulat, ilang beses na umanong hinalay ng suspek ang paslit at ang pinakahuli ay nitong Sabado ng gabi.

Ginagawa ng pulis ang pambababoy sa bata tuwing wala ang ina nito.

Muli umano niya itong tinakot na sasaktan ang ina kapag nagsumbong ito.

Subalit sa takot na muling gawan ng masama ay naglakas-loob ang biktima na magsumbong na sa magulang.

Agad namang nagreklamo sa otoridad ang mag-ina kaya nadakip ang suspek.