Batang lumabag sa curfew hinabol ng tanod, nabagok ang ulo

PATAY ang batang lalaki na nabagok ang ulo matapos habulin ng mga tanod na naaktuhan siya sa labas ng bahay noong isang linggo sa Pasay City.

Naitakbo pa sa ospital si John Dave Pepito, 12, pero hindi na naisalba ng mga manggagamot ang kanyang buhay. Inilibing siya kahapon.

Ayon sa ulat, isa si Pepito sa mga menor de edad na nahuli na nasa labas ng bahay noong Miyerkules ng hapon.

Bawal lumabas ang mga batang 17 pababa sa umiiral na modified enhanced community quarantine sa NCR Plus.

Habang papunta sa barangay hall ay tumakbo umano ang bata pero nadapa ito at nabagok ang ulo.

Hindi naman sinabi sa ulat kung bakit hindi agad nailabas sa media ang pangyayari.

Wala ring sinabi ang pulisya kung kakasuhan ang mga tanod.