Pusa nagpasok ng droga sa kulungan, tiklo

NASILO ng mga guwardya ang pusa na nagtangka magpuslit ng cocaine at marijuana sa kulungan sa Panama.

Ayon sa ulat, naispatan ang pusa na may nakataling puting pouch sa leeg habang papasok sa Nueva Esperanza jail sa Colon noong nakaraang linggo.

Kinutuban ang mga bantay kaya hinabol ang pusa.

Nang maabutan ay tiningnan nila ang laman ng pouch at nagulat sila nang makitang may laman itong droga.

May nakapiit na 1,700 sa Nueva Esperanza kaya hindi na nagsayang ng oras ang mga otoridad para hanapin pa kung sino ang pagdadalhan ng droga.

Napag-alaman na may nagtangka na ring magpasok ng droga sa kulungan gamit ang mga kalapati.

Gaya ng sa pusa, nasabat din ng mga guwardya ang droga.