122 residente nakadoble ng ayuda, kakasuhan

NAHAHARAP sa kaso ang 122 residente ng Cabuyao, Laguna na nakatanggap ng dobleng halaga ng ayuda.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Cabuyao, nadiskubre na nadoble ang maraming pangalan sa database para sa cash aid.

Bunsod nito, 122 residente ang nakatanggap ng aabot sa P500,000 tulong- pinansyal, dagdag ng mga opisyal.

Anila, inihahanda na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kaukulang kaso laban sa mga ito.

Binigyan din ng isang araw ang mga nakadoble ng ayuda para ibalik ang sobrang pera.

Kasama ang Laguna sa NCR Plus na pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan dahil maraming tagaroon ang naapektuhan nang pairalin ang enhanced community quarantine (ECQ) nang dalawang linggo noong Marso.