Paul Soriano ‘wala na talaga’, nagbitiw na bilang adviser ni BBM

NAGBITIW na nga si Paul Soriano bilang Presidential Adviser for Creative Communications, ayon sa Malacanang nitong Huwebes ng gabi.

Nagsumite ng kanyang resignation si Soriano, mister ng aktres na si Toni Gonzaga, dahil diumano sa kanyang mga “personal commitments”, ayon kay Communication Secretary Cheloy Garafil.

“Presidential Adviser Paul Soriano took a well-deserved break to spend time with his family and newborn daughter. He has since submitted his resignation to prioritize his personal commitments,” pahayag ni Garafil.

Wala pa umanong nakukuha si Marcos na kapalit ni Soriano na na-appoint Oktubre noong nakaraang taon.

Matatandaan na si Soriano, kasama ang kanyang misis na si Toni, ay tumulong sa kampanya ni Marcos noong 2022 presidential elections.