Nasaan na nga ba si Paul Soriano? ‘Wala na po’

‘YAN ang naging tugon ni Senador Sonny Angara nang tanungin kung nasaan na nga ba ang mister ni Toni Gonzaga, ang presidential adviser on creative communications na si Paul Soriano?

Sa isinagawang plenary discussion hinggil sa hinahaing budget ng Office of the President sa 2024, inusisa si Angara, sponsor ng budget proposal, ni Senador Koko Pimentel kung nasa gobyerno pa rin ba si Soriano.

Ayon kay Angara, iyon umano ang sabi sa kanya ng Palasyo, kaya iyon ang isinagot niya sa tanong ni Pimentel.

Wala pang pahayag ang Palasyo kung totoo ngang wala na ito sa gobyerno.

Lumutang ang pangalan ni Soriano sa diskusyon ng budget ng tanungin ni Pimentel kung sino ang nagbayad sa tourism advertisement ng gobyerno na “We give the world our best” na nakapaskil sa mga bus sa London.