Panahon gustong ibalik ni Yasser para maligawan batang Claudine

MAY isang wish sa buhay ang Kapuso hunk na si Yasser Marta: makabalik sa nakaraan para makasabay niya sa industriya si Claudine Barretto.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inamin ni Yasser na nahulog ang loob niya kay Claudine nang gawin nila ang series na “Lovers/Liars.”

Gayunman, sinabi niya na hindi sila naging magkarelasyon ng batikang aktres.

Ayon kay Yasser, na-develop ang feelings niya kay Claudine nang makilala niya ito nang lubusan.

“Sino ba ang hindi mahuhulog sa isang Miss Claudine Barretto? Napakalambing, napakaganda, lahat ng iwi-wish mo nasa kaniya na,” aniya.

Idinagdadag niya na kung kaya lang niya ay ibabalik niya ang oras para naging magkasabay sila ni Claudine sa industriya.

“Ako, kung maibabalik ko lang siguro ‘yung panahon dati na sabay kaming nandito sa industriya. Sana mabalik ko ‘yon,” sambit niya.

Inihalintulad naman ni Yasser sa kantang “Somewhere Down the Road” ni Barry Manilow ang timing sa naramdaman niya kay Claudine.

“Yung kanta nga… right love at the wrong time,” sey pa ng aktor.