Lalaki hindi naipagtimpla ng kape, anak pinatay sa taga

PINATAY sa taga ng lalaki ang kanyang isang-taong-gulang na anak saka ito nagsaksak sa sarili sa Talakag, Bukidnon kamakailan, iniulat ng pulisya.


Nasa kritikal na kondisyon ang suspek na si Ferdinand Catoto, 27, na nagtamo ng ilang saksak sa katawan. Nahaharap siya sa kasong parricide.


Base sa salaysay sa pulis ng asawa ni Catoto na si Michelle, nagalit ang mister dahil hindi niya ito agad naipagtimpla ng kape.


Sa gitna ng pagwawala ay kumuha si Catoto ng itak bago hinila ang anak na babae.


Nakiusap si Michelle na huwag idamay ang kanilang anak pero lalong nagalit ang suspek at nagbantang papatayin ang bata.


Sa takot, lumabas ang ginang at humingi ng tulong sa mga kamag-anak.


Nang balikan ni Michelle ay duguan na ang mag-ama.


Naitakbo pa ang dalawa sa ospital pero binawian ng buhay ang paslit habang ginagamot.