Claudine: Hindi ko ipina-ban si Jodi sa party ni Mr. M

IBINASURA ni Claudine Barretto ang mga haka-haka na siya ang nasa likod kung bakit wala si Jodi Sta. Maria sa suprise tribute party sa star maker na si Johnny “Mr. M” Manahan noong Sabado.

Sa isang panayam, klinaro ni Claudine na wala siyang kinalaman sa hindi pagsipot ni Jodi sa party.

“No, no, hindi. Wala akong alam. Hindi ko alam ‘yan. ‘Yun nga e ang daming naglalabasan na issues na ganyan. Gusto ko lang iklaro na wala ho akong alam diyan,” sey ni Claudine.

“She has as much right to be there as I have kasi para kay Mr. M iyon. It’s not about just a friend’s party, it’s about our mentor’s party. So, she’s as much right na nandoon,” paliwanag ng aktres.

Giit pa niya: “Hindi totoo ‘yon, wala akong ganoong power para gawin ‘yon.”

Idinagdag ni Claudine na hindi rin niya alam ang dahilan kung bakit wala sa party si Jodi.

“Nag-back out ba o baka naman may something siya noong araw na ‘yon? Baka naman meron siyang prior engagement or something,” sey pa niya.

Sakali namang dumalo sa kasiyahan si Jodi, inamin ni Claudine na iiwasan niya ito.

“Walang gulong mangyayari,” sabi niya.

Gayunman, inihayag ni Claudine na hindi pa siya handang makipagmabutihan kay Jodi.

“Yung mga anak ko na kasi ‘yung involved dito. ‘Yun lang ang masasabi ko. So, hindi rin,” pagdidiin niya.

Matatandaang nagka-issue sina Claudine at Jodi dahil kay Raymart Santiago. Si Jodi umano bagong boyfriend ni Raymart na ex-husband naman ni Claudine.

Sa isang interview, inilarawan ni Claudine si Jodi na “bad influence” kay Raymart.