9 rebelde patay sa Christmas operation ng militar sa Bukidnon

SIYAM na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa isang operasyon ng militar nitong Pasko sa Malaybalay City, Bukidnon.

Nangyari ang isinagawang opensiba ng militar sa mismong araw ng two-day ceasefire na idineklara ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Anim sa mga nasawi ay mga lalaki habang ang iba pa ay mga babae.

Ayon kay Brig. General Michele Anayron, commanding office ng PA-403rd Infantry Brigade, nangyari ang operasyon sa barangay Can-ayan, Kibalabag, Kulaman at Mapulo.

Ayon sa militar, naghahanda ang mga rebelde para sa ika-55 anibersaryo ng CPP nang umatake ang tropa ng pamahalaan.

Matatandaan na nitong Disyembre 23 ay nagdeklara ang CPP ng unilateral ceasefire para sa Dis. 25 at 26, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at anibersaryo ng grupo.