2 bagets na masamang tumingin binoga; 1 todas

NASAWI ang 17-anyos na lalaki habang sugatan ang kanyang kaibigan nang barilin ng tatlong sakay ng motorsiklo sa Cebu City nitong Miyerkules ng umaga, iniulat ng pulisya.


Ayon sa imbestigasyon, binaril ang mga biktima dahil napatitig ang isa sa kanila sa mga suspek na nasalubong nila sa Urgello St. sa Brgy. Sambag 1 alas-4:15.


Pauwi na ang mga biktima mula sa paglalaro sa internet cafe sa Urgello St. nang makasalubong nila ang tatlong lalaki na magkakaangkas sa motorsiklo.


Napatingin ang isa sa mga biktima, na sakay naman ng e-bike, sa mga suspek.


Agad huminto ang mga suspek bago kinumpronta ang 17-anyos na biktima na nagmamaneho ng e-bike.


“Ngano lain man kag tabis do?” tanong ng isa sa mga suspek bago pinaputukan ang dalawa.


Dead on the spot ang 17-anyos dahil sa tama ng bala sa ulo habang nabaril ang kasama niya sa braso.


Tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril. Tinutugis na sila ng mga otoridad.


Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng .45 kalibre pistola.