Kris inihabilin na sina Josh, Bimby sa mga ate – Cristy Fermin

KUNG paniniwalaan ang veteran showbiz columnist na si Cristy Fermin, inihabilin na diumano ni Kris Aquino sa kanyang mga ate ang mga anak na sina Josh at Bimby sakaling may mangyari sa kanya.

Sa latest episode ng kanyang online talk show, isiniwalat ni Cristy na ayon sa kanyang source, ibinilin na ni Kris ang kanyang mga anak sa mga ate niyang sina Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abellada at Viel Aquino-Dee.

“Ito po ‘yung nakakalungkot. Kwento rin po naman ito mula din sa kanilang pamilya, na si Kris daw, ipinagbibilin na si Josh at saka si Bimby sa kanyang mga kapatid. Kung ano man ang mangyari sa kanya, alam ng kanyang mga kapatid kung ano ang gagawin,” ani Cristy.

“Ako’y naaawa kay Josh at kay Bimby kasi napakabata pa nila para mawalan ng ina kung talagang ito ay wala nang kalunasan. Lalo na si Josh, may mga special needs po si Josh,” dagdag niya.

Kamakailan ay inamin ng tinaguiriang Queen of All Media na “life threatening” ang kanyang sakit pero hindi pa siya naghihingalo.

“Hello everyone… yung chismis na na-confine ako, na nasa ICU, na nag-aagaw-buhay… masyado kayong advanced. Para klaro ang lahat…. dahil gusto n’yong patayin na ‘ko, well, I’m not yet dead. Okay, so I’m going to fight,” pahayag ni Kris.