INIULAT ng Forbes na nawalan ng dalawang bilyonaryo ang Pilipinas matapos na “masunog” ang $436 milyon P24.4 bilyon sa stock market ng pinakamalaking instant noodle maker na Monde Nissin dahil sa kinakaharap na product recall ng flagship brand nito na Lucky Me sa Europe at Taiwan.
Dahil dito nalaglag sa billionaires’ list ang Betty Ang, co-founder ng Monde Nissin at ang company chairman nito na si Hartono Kweefanus.
Matatandaan na nag-isyu ng product recall ang maraming bansa sa Europa at maging sa Taiwan laban sa mga brand ng Lucky Me! matapos makitaan umano ng ethylene oxide ang instant noodles.
Kabilang sina Ang at Kweefanus sa Philippines’ 50 Richest, na inilabas noong Setyembre 2021. Kasama rin sila sa Forbes’ World Billionaires list ngayong taon na may $1.2 bilyong net worth.
Umabot na lamang ang net worth ni Ang sa $982 milyon mula sa $1.2 bilyon noong Abril.
Bumagsak din ang net worth ng bayaw ni Ang na si Kweefanus, sa $982 milyon mula sa $1.2 bilyon.