INAASAHANG magpapakitang-gilas ngayon ang koponan ng Pilipinas sa pagharap nito sa South Korea para masungkit ang pangarap na makapasok sa FIBA Asia Cup.
Miyerkules ng gabi, haharapin ng batang Gilas Pilipinas ang South Korea para sa isang qualifying game, na gaganapin sa Angeles University Foundation Gym.
Nakatuon ang pansin ng grupo na mabigyan sila ng ticket para makapasok sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa Indonesia ngayong Agosto.
Ang Gilas Pilipinas ay binubuo ng mga player na pinangungunahan ni captain Isaac Go at Filipino sensation Kai Sotto.
Kasama rin sa koponan ang bagong naturalized na Filipino na si Angelo Kouame, Dwight Ramos, Justine Baltazar, RJ Abarrientos, SJ Belangel, Javi Gomez De Liaño, William Navarro, Mike Nieto, Carl Tamayo, at Jaydee Tungcab.
Simula noong 2013, bigo ang Pilipinas sa mga naging laban nito sa South Korea. Mamayang gabi ito ang nais baguhin ng grupo.
Ang South Korea ay pinangungunahan ni dating PBA import Ricardo Ratliffe, na ngayon ay kilala bilang si Ra Gun-ah matapos na ma-naturalized bilang isang South Korean.