Virgin bride na si Shaira deserve ang bonggang wedding

TODO-kayod ngayon ang Kapuso actor na si EA Guzman dahil engrandeng kasal ang gusto niyang ibigay sa kanyang fiancee na si Shaira Diaz.

Sa isang panayam, pabirong nanawagan sa management ng GMA-7 na bigyan pa siya ng proyekto para mabilis siyang makaipon para sa medyo grandiyosong kasal nila ng aktres.

“Minsan lang siya mangyari, once in a lifetime, so gusto namin ni Shaira, ‘yung deserve namin na wedding,” ani EA.

“Hindi ko naman sinasabi na engrande or something. ‘Yung deserve lang namin, ‘yung gusto talaga namin, especially Shai, ‘yung dream wedding niya. So, gusto ko lang ding gawin ‘yun para sa kanya,” dagdag ng “Lilet Matias: Attorney-At-Law” actor.

Ayon kay EA, nagsimula nilang pagplanuhan ni Shaira ang kasal makaraan nilang ianunsyo ang kanilang engagement noong isang linggo.

Dagdag niya, sa isang simbahan sa Metro Manila gustong maikasal ng kanyang fiancee.

Sa 2026 nakatakda ang kasal kaya sinabi ni EA na dalawang taon pa siyang “magpipigil” para busilak na haharap sa dambana si Shaira.

“Kung 11 years nga, natiis ko, ‘di ba? Bakit ‘yung ilang taon na lang na talagang magiging asawa ko na siya and alam mo ‘yun, magkakaroon ako ng sariling pamilya,” aniya.

Iginiit din ng aktor na isa lamang ang dahilan kung bakit natiis niya na walang naganap sa kanila ni Shaira sa mahigit isang dekada nilang magkatipan. “Yung love ko kay Shaira. ‘Yun lang talaga ‘yung reason kung bakit ko nakayanan,” sambit ni EA.