Vice nagbabait-baitan dahil may pelikula?

ITO ang tanong ng batikang show biz columnist at host na si Cristy Fermin kaugnay sa mga puna na ibinabato ng ilang netizens sa TV host-comedian.

Sa latest episode ng “Cristy Ferminute,” tinalakay ni Cristy at co-host na si Romel Chika ang ginawang pag-akyat ni Vice sa float ni Toni Gonzaga sa ginanap na “Parade of Stars” nitong Miyerkules at ang pamimigay nito ng ayuda sa isang tindera sa Pampanga.

“Unang isyu ‘yung pinuntahan niya si Toni Gonzaga doon sa karosa ng pelikula nila ni Joey de Leon, ‘My Teacher.’ Pangalawa, ‘yung kumain sila ng mga kabarkada niya at napansin niya na luma na ang mga kagamitan, binigyan niya si manang tindera ng pambili ng mga bagong mga utensils,” ani Cristy.

“Ito ay napapansin lamang, mga kapatid, kung inyo ring napapansin, kapag may pelikula si Vice Ganda. Hindi niya naman po ginagawa kasi ang ganito palagi. Kaya ang sabi ninyo, ‘yung mga bashers, bait-baitan,” dagdag niya.

Paliwanag ni Cristy, kaya “nabubutasan” si Vice ay dahil “hindi niya naman ito madalas gawin e. Pero kapag may pelikula siya, umiikot talaga siya at tumutulong sa mga kababayan natin, di ba?” 

“Tama, magaling ang timing, ika nga. Super timing, 100% timing,” hirit ni Romel

“Parang ‘yun ata ang minaster ni Vice Ganda e, ‘no? ‘Yung timing, ‘yung tamang timing,” segunda ni Cristy.

“Inuulit ko po, ito’y napapansin lamang ng ating mga kababayan dahil ‘yung timing po. Hindi niya ginagawa ito kasi kapag wala siyang pelikula. ‘Yun naman ang ibibigay natin dito na katwiran,” dagdag ng columnist-host.