Vice Ganda, Juliana bati na?

ISINIWALAT ng komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia na mayroon na uli silang komunikasyon ng TV host-comedian na si Vice Ganda.

Sa panayam ni Ogie Diaz, sinabi ni Juliana na nag-chat siya kay Vice para magpasalamat sa pagkakabanggit sa kanya nito on national TV kaugnay sa mga dating winners ng Miss Q&A sa “It’s Showtime.”

“Nabinaggit ako ni Meme sa Showtime, so nag-message ako sa kanya…nag-thank you ako sa kanya. At nag-reply siya na deserved ko naman,” ani Juliana.

“Ayun para okay naman na ang lahat,” dagdag niya.

Matatandaan na tila sumama ang loob ni Juliana kay Vice ilang buwan na ang nakararaan nang mag-blind item ang TV host sa kanyang show kaugnay sa isang kakilala niya na nabubuhay na lang dahil sa pagto-troll sa social media.

“Sa totoong buhay, hindi naman siya toxic talaga pero basher siya sa social media.Tapos, nalaman ko kasi troll siya. Trabaho, kasi wala siyang pera, e. So, ‘yon ‘yung ng effect, ginawa niya ‘yun, kumapit siya du’n kahit mali kasi kailangan niya ng pera dahil naghihirap siya,” ani Vice.

Walang binanggit na pangalan si Vice sa kanyang blind item, pero umalma agad si Juliana na kinampihan naman ng mga tagasuporta ng Marcos-Duterte tandem, kabilang ang direktor na si Darryl Yap.