Vhong Navarro inasunto ng rape

MAKARAAN ang walong taon ay nasampahan na rin ng kasong rape ang TV host-comedian na si Vhong Navarro kaugnay sa umano’y panggagahasa sa model na si Deniece Cornejo sa Taguig.

Sumampa ang kaso, na iniharap ng Taguig Prosecutor’s Office, sa Taguig City Regional Trial Court nitong Miyerkules.

Naganap ang umano’y panggagahasa ni Navarro kay Cornejo sa kanyang condo unit sa Taguig noong Enero 17, 2014, ayon charge sheet.

Naihain ang kaso makaraang aprubahan ng Court of Appeals ang petisyon ni Cornejo na kumukuwestiyon at nagpaparebisa sa kaso na nauna nang ibinasura ng Department of Justice.

Matatandaan na ibinasura ng DOJ ang kaso laban kay Navarro dahil sa pabago-bagong testimonya ni Cornejo.

Pero nito lang Hulyo ay binaligtad ng appellate court ang resolusyon ng DOJ at sinabi na mas mabuti kung sa korte ipagtataggol ni Navarro ang sarili.